Wagi!

Hindi naman sa puro LIRA na lang ang inilalagay ko dito, pero ang grupo namin ang nanalo sa workshop last week. Absent ako, pero ayos lang. Best haiku daw ang koleksyon namin. Sayang at may isang sabit sa huling saknong ng sestina. Gayunman, kami pa rin ang nakatanggap ng librong papremyo ni Sir Edgar Samar, ang Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay. Nauna ko na itong nabasa noon, salamat sa bigay ni libro ni Bote. Hehe.

Napakahusay ng librong ito, wala kang maitatapon na tula sa buong koleksyon. Bahagi ng isang naratibo ang bawat tula, kaya’t  hindi maaaring mawala ang isa. Kaya’t parang nagiging isang buong tula tuloy ang libro. Pinapaksa rin nito ang paglalakbay, pag-alaala, at pagbabalik, mga temang gusto ko ring suuingin pagdating ng araw. Napakaganda rin ng himig ng mga tula, at ang buong koleksyon ay may iniiwang kurot sa iyo bilang mambabasa dahil nabitbit mo ang sarili mong karanasan sa pagpapakahulugan at pagbabasa.

Hindi ko ito ginagawan ng review dito sa ngayon, pero sigurado akong babalik-balikan ko ang libro. Kung interesado ka, narito ang isang masinsin na rebyu ni Genevieve Asenjo sa aklat.

At bilang pangwakas, narito ang ilang linya sa mga bukod tanging mga tula para sa akin:

Pananalig sa Kamalig

Sana nga’y gunawin
itong ating daigdig
at pag-ibig
ng kalikasan
at hindi ng digmaan, mahal.
Hindi ng digmaan.

Kundiman

Mag-isang maglalayag sa isla ng paghilom. Ambon
Alon. Daluyong. Panahon. Oo nga pala, hindi dagat
kundi gubat ang pinili kong panahanan ngayon.
Tititigan ko ang mga bituin (gabi na pala, gabi na nga),
mga nagniningning na pilat sa dilim, at saka iisipin:
kay raming pag-iisa sa mundo. Kay liwanag nila: alam ko,
walang pag-asa sa kahit tikatik. Di laging dinidilig
ng ulan ang pag-iisa. At nakilala ko noon ang pag-ibig.

Sana nga’y gunawin
itong ating daigdig
at pag-ibig
ng kalikasan
at hindi ng digmaan, mahal.
Hindi ng digmaan.